Sunday 5 January 2014

Nancy Binay naghain ng panukala kontra Cyber Bullying


MANILA, Philippines – Matapos pagtripan sa internet noong panahon ng kampanya para sa eleksyon 2013, naghain si Sen. Nancy Binay ng panukalang kontra sa cyberbullying at iba pang klase ng “online violence.” 

Layunin ng panukalang Electronic Violence Against Women (E-VAW) Law of 2013 na mapigilan ang hindi wastong paggamit ng social media kung saan sinabi ni Binay na “a mode of disseminating scandals involving both television personalities and private individuals.” 

Nais ng panukala ni Binay na amyendahan at palawigin ang probisyon ng Republic Act 9262 o ang Violence Against Women and Children Act of 2004. Nakasaad dito na ang “electronic violence” ay anumang klase ng pagpapakalat ng impormasyon na magreresulta sa “mental, emotional and psychological distress or suffering to the victim.”

Kabilang dito ang pagpapakalat ng mga video na nagpapakita ng pribadong parte ng katawan; pagpopost sa internet ng mga sensitibo at “indecent content” na walang pahintulot ng biktima; pananakot sa pamamagitan ng text messaging, electronic mail, at iba pang pamamaraan; cyberstalking, kabilang ang pag-hack sa personal na account sa social networking sites at ang paggamit ng location trackers sa mga cellphone, at ang paggamit ng “identity” ng isang tao. 

“Being bullied or harassed by a known perpetrator, or someone close to you, has a serious emotional and psychological impact than being hassled by a stranger. Mas masakit sa mga biktima kung kakilala nila ang gumagawa ng mga panliligalig sa kanila,” pahayag ng baguhang senador. Maaaring makulong ng anim na buwan hanggang anim na taon ang sinumang lalabag sa nasabing panukala, habang isang buwan hanggang anim na buwan na pagkakakakulong ang parusa sa mga magbabanta.

Kinakailangan rin magbayad ng P300,000 hanggang P500,000 ng mga lalabag sa panukala oras na maisabatas ito depende sa epekto nito sa biktima. Magkakaroon din ng protection order ang biktima upang hindi na ito magulo pa. Isa lamang ang E-VAW Law of 2013 sa 15 panukalang inihayin ni Binay sa kanyang unang araw bilang senador. Noong kasagsagan ng kampanya ay naging puntirya ng asaran si Binay sa internet kung saan binabatikos ang babaeng senador dahil sa kulay ng kutis nito at kawalan ng kasanayan sa pulitika.
PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatc

Saturday 21 December 2013

Batas laban sa bullying, pinirmahan na ni Aquino




Pinirmahan na ni Pangulong Benigno Aquino III ang isang batas na nagbabawal sa bullying sa mga paaralan sa buong bansa.


Nilagdaan ni Aquino ang Republic Act 10627 o ang Anti-Bullying Act of 2013 noong Setyembre 12 ngunit inanunsyo lamang ito nitong Miyerkules.

Sa ilalim ng nasabing batas, ang lahat ng paaralan sa elementarya at sekondarya ay kinakailangang gumawa ng mga polisiya laban sa bullying sa kani-kanilang institusyon. Ang kopya ng mga polisiya ay kailangang ibigay sa mga mag-aaral at magulang nila.

Kabilang sa polisiya ay ang pagbabawal sa bullying sa loob ng mga paaralan at kahit sa mga school-related activities. Ipinagbabawal din ang paggamit ng teknolohiya sa bullying.

Ipinagbabawal din na paghigantihan ang mga taong nagsuplong o nagbigay ng impormasyon tungkol sa insidente ng bullying.

Inatasan ng RA 10627 ang mga paaralan na magpataw ng parusa sa mga mahuhuling nambu-bully. Kailangan din silang sumailalim sa rehabilitation program na pangangasiwaan ng paaralan.

Nakasaad naman sa batas na kailangang gawing "confidential" ang pagkakakilanlan sa nasangkot sa bullying. Ang tanging makaaalam lamang nito ay ang school administration, ang gurong direktang responsable sa mga biktimang estudyante, at mga magulang o tagapangalaga ng mga naging biktima ng pambabarako.

Sa ilalim ng batas, itinuturing na bullying ang, "any severe or repeated use by one by one or more students of a written, verbal or electronic expression, or a physical act or gesture, or any combination thereof, directed at another student that has the effect of actually causing or placing the latter in reasonable fear of physical or emotional harm or damage to his property; creating a hostile environment at school for the other student; infringing on the rights of the other student at school or materially and substantially disrupting the education process or the orderly operation of a school." --JGV/FRJ, GMA News